Palasyo, tumangging magkomento sa panukalang ibaba ang age requirement ng presidente, vp, at senador

Tumangging maglabas ng pahayag ang Malacañang kaugnay sa panukalang ibaba ang minimum age requirement para sa mga kakandidatong presidente, bise-presidente at senador sa 2028 national elections.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nais muna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makita ang buong detalye ng panukala bago magbigay ng komento.

Giit ni Castro, mahirap sabihing pabor o tutol ang pangulo hangga’t hindi buo ang impormasyon.

Itinutulak ng tinaguriang “Young Guns” sa Kamara ang Resolution of Both Houses No. 2 na layong amyendahan ang 1987 Konstitusyon sa pamamagitan ng constitutional convention.

Sa ilalim nito, ibababa sa 35 hanggang 40 anyos ang edad ng maaaring tumakbong presidente at bise-presidente, habang 30 hanggang 35 anyos naman para sa senador.

Sabi ni Castro, trabaho ng Kongreso ang usaping ito at mag-aabang na lamang si Pangulong Marcos kung uusad ang nasabing hakbang.

Facebook Comments