Umaasa ang Malacañang na magpapakita ang social networking giant na Facebook ng pag-iingat sa mga ginagawa nitong aksyon, lalo na sa pagbubura ng mga accounts para maiwasan ang pagdududang may bias ang kumpanya.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, iginagalang nila ang hakbang ng Facebook na alisin ang mga pekeng accounts.
“Facebook’s recent action of taking down over 100 fake accounts is a matter we leave to the sound judgment and discretion of the popular global social networking company,” sabi ni Roque.
Ang Malacañang aniya ay palaging isinusulong ang kampanya kontra fake news at itinataguyod ang katotohanan, pero umaasa sila na ang social media company ay mag-iingat sa mga ginagawa nitong hakbang.
“We are one in advocating the truth and dismissing disinformation, lies or hatred,” ani Roque.
“We hope the social media giant would exercise prudence in all its actions to remove any doubt of bias given its power, influence and reach,” dagdag pa niya.
Matatandaang inalis ng Facebook ang dalawang networks na nakabase sa Pilipinas at China dahil sa paglabag sa kanilang polisiya laban sa Coordinated Inauthentic Behavior (CIB) partikular sa paggamit ng 155 na pekeng accounts para linlangin ang publiko.