Kaisa ang Palasyo ng Malacañang sa panalangin ng buong mundo na mareresolba sa mapayapang pamamaraan ang tensyon sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, nananatili ang posisyon ng Pilipinas na walang mabuting maidudulot ang giyera bagkus magreresulta lamang ito sa pagkalagas ng buhay ng mga inosenteng sibilyan.
Sinabi pa ni Nograles na ang sigalot ngayon sa Ukraine ay mayroong economic, trade, at human resource implications sa bansa.
Kasunod nito, pinatitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakahanda ang pamahalaan sa alinmang eventuality kung saan nangako ang pangulo na mayroong mitigating measures at contingency plans ang gobyerno saka-sakali mang lumala ang sigalot sa Ukraine.
Umaasa rin ang Malacañang sa agarang pagwawakas ng gulo lalo pa’t nagrerekober pa lamang ang halos lahat ng bansa sa mundo mula sa COVID-19 pandemic.
Bahagi ito ng tugon ng Palasyo kaugnay sa ipinatawag na special meeting kahapon ni Pangulong Duterte kasama ang mga opisyal ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, ilang miyembro ng gabinete, mga negosyante at sibilyan hinggil sa nangyayaring kaguluhan sa ilang bahagi ng Europa.