Nakikiusap ang Malacañang sa ating mga kababayan na manatili muna sa mga tahanan sa loob ng dalawang linggo upang maibaba ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay kasunod na rin ng panibagong kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung saan ipinagbabawal muna ang leisure travel ngayong Semana santa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, umaapela ang gobyerno ng pang-unawa mula sa ating mga kababayan dahil ito ay para sa kapakanan ng mas nakararami.
Lalo pa at noong isang araw ay naitala ang record high na 8,000 new cases per day ng COVID-19.
Ani Roque, kung may lakad sa Holy Week ay kanselahin muna ito o i-reschedule dahil bawal ang non-essential travel hanggang April 4.
Paliwanag ng kalihim, kapag pinayagan ang movement ng mga tao ay baka mas lalo pang sumirit ang kaso ng COVID-19 lalo pa’t nakapasok na sa bansa ang iba’t ibang variants nito.