Walang alam ang Malakanyang kung paanong nakalusot sa bansa ang mga bakuna ng Sinopharm na mula sa China na sinasabing itinurok sa mga myembro ng Presidential Security Group (PSG).
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, wala syang ideya kung paano naipuslit papasok ng bansa ang mga bakuna nang walang otorisasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Una nang sinabi ng Bureau of Customs (BOC) na wala rin silang natanggap na formal communication hinggil sa importasyon ng mga bakuna.
Sinabi pa ng kalihim, hindi binayaran bagkus idinonate ang mga bakuna na galing ng China.
Pero hindi naman nito maidetalye ang proseso at sinabing ‘wag na lamang masamain ang pagbabakuna sa mga myembro ng PSG dahil pangunahin nilang mandato ay pangalagaan ang kalusugan at tiyakin ang kaligtasan ng Pangulo ng bansa.
Giit pa nito, boluntaryo ang ginawang pagbabakuna at wala ni isa sa mga ito ang pinilit na magpaturok ng bakuna.