
Walang balak ang Malacañang na imbitahan si Atty. Nicholas Kaufman sa Pilipinas para talakayin ang isyu ng interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro matapos sabihin ni Kaufman sa isang panayam na handa siyang pumunta sa Maynila kung iimbitahan para pag-usapan ang usapin.
Ayon kay Castro, bukas ang Pilipinas sa lahat ng turista at malugod na tinatanggap ang sinumang nais bumisita kasama ang kanilang pamilya.
Biro pa ni Castro, kung darating ang abogado, maaari niyang ipatikim ang mga pagkaing Pinoy tulad ng street foods.
Gayunman, iginiit ng Malacañang na wala nang dapat pag-usapan tungkol sa interim release dahil ibinasura na ito ng International Criminal Court (ICC).
Sa halip, mas mainam na libutin na lamang ni Kaufman ang mga kilalang pasyalan sa bansa tulad ng Palawan, El Nido at Manila Zoo.










