Napabilang ang dalawang pangunahing tourism destinations ng Pilipinas sa Big 7 Travel’s list ng 50 pinakamagandang lugar sa buong mundo.
Sa listahan, pasok sa ikawalong pwesto ang isla ng Palawan habang nasa ika-18 pwesto ang Boracay.
Tinaob nito ang ilan sa mga tourist destinations tulad ng Venice, Italy (43rd), Cappadocia, Turkey (30th), Angkor Wat, Cambodia (26th) at Paris, France (24th).
Ayon sa travel author na si Melanie Hamilton, ang Boracay ay nangungunang destinasyon para sa “R&R” o rest and recuperation kung saan tampok ang mga magagandang beach, casual nightlife, at mayabong na tropical scenery.
Ang Palawan ay isang “immaculate string of islands” kaya itinuturing itong isa sa mga magagandang isla sa buong mundo ngayong taon bunsod ng diverse wildlife, landscapes, at subterranean rivers.
Para kay Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat, hindi lamang ito pride para sa ahensya kundi sa buong bansa.
Ang pagkilala sa dalawang tourist spots ay napapanahon kasabay ng unti-unting pagbubukas ng turismo.
Positibo ang DOT na magsilbing inspirasyon ito sa maraming tao na bumiyahe muli at tulungan ang Pilipinas na makabangon ang industriya ang turismo pagkatapos ng krisis.