Nagpasalamat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command sa lahat ng nagtulong-tulong para mawakasan ang terorismo sa lalawigan ng Palawan.
Ito’y kasunod ng pagdeklara ng Joint Palawan Provincial Task Force Ending the local communist Armed Conflict at Provincial Peace and Order Council sa buong lalawigan bilang insurgency-free sa kanilang joint council meeting noong Biyernes.
Kasunod nito, pinapurihan ni Wescom Commander Vice Admiral Alberto Carlos, ang lahat ng mga sundalo, partner agencies at mamamayan ng buong lalawigan sa matagumpay na pagsisikap na matamo ang isang ligtas at communist terrorist-free Palawan.
Ayon kay Carlos, ang walang humpay na focused military operations kasabay ng community support programs at kolaborasyon ng mga ahensya ng pamahalaan ay nagresulta sa pagkakanutralisa ng mga lider komunista, pagbabalik-loob ng karamihan sa mga dating kasapi at supporter ng kilusang komunista at pagkakarekober ng maraming armas ng kalaban.
Ani Carlos, ngayong insurgency-free na ang Palawan, maari nang mamuhay ng tahimik ang mga lokal na residente at umangat ang lalawigan bilang most desired destination para sa mga turista.