Manila, Philippines – Inihain ngayon ng mga senador na kasapi ng minorya ang senate resolution number 645 na humihiling sa agarang pagpapalaya kay Senator Leila De Lima.
Ang hakbang ng opposition senators ay kasabay ng pagtuntong sa ika-1 taong pagkakaditine ng senadora na anila’y unang prominenteng political prisoner sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Iginiit sa resolusyon na ilegal ang pag-aresto at hindi makatarungan ang pagkulong kay De Lima na base lang sa mga imbentong kaso.
Nakasaad din sa resolusyon na masakit sa kanila na nakabilanggo si De Lima sa halip na kasama nila ito na malayang gumaganap sa kanilang trabaho, nagsiserbisyo sa bayan, at nakikilahok sa produktibong talakayan para sa pagbalangkas ng batas.
Ang minority bloc ay pinamumunuan ni Senator Franklin Drilon at miyembro nito sina Senators Kiko Pangilinan, Antonio Trillanes IV, Bam Aquino, Risa Hontiveros at De Lima.