PALENGKE NG CAUAYAN CITY, WALA NANG SUPPLY NG PUTING SIBUYAS

Cauayan City, Isabela- Wala nang mabili ngayon na white onion sa pamilihan ng Lungsod ng Cauayan dahil sa kakulangan ng supply nito.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Rowel Ponce, pinuno ng Vegetable section ng palengke, problema nila ngayon kung paano sila makakapag-angkat ng panindang puting sibuyas dahil na rin sa walang supply sa kanilang pinagkukunan mula sa NVAT, Nueva Vizcaya o sa Divisoria.

Idagdag pa rito ang pagmahal ng presyo ng puting sibuyas sa 400 pesos kada kilo kaya halos wala na ring gustong bumili pa nito sa mga mamimili.

Mas pinipili muna ngayon ng mga mamimili ang pagbili ng pulang sibuyas.

Ang huling presyohan sa puting sibuyas nitong nakalipas na tatlong Linggo ay pumapatak sa P240 per kilo.

Hindi naman matukoy ni Ginoong Ponce kung kailan magkakaroon ng supply ng white onion sa lungsod ng Cauayan.

Ayon naman kay Ginang Baby Gallardo, isa sa mga vendor ng mga panggisa dito sa palengke, hindi na rin sila nag-aangkat ngayon ng puting sibuyas dahil sa mahal na presyo na umaabot sa P400 kada kilo.

Samantala, sa presyo naman ng iba pang panggisa sa private palengke tulad ng Pulang sibuyas ay naglalaro sa presyong 120-100 pesos kada kilo, dipende ito sa laki; P100 per kilo sa bawang; at bumaba naman sa P70-50 per kilo sa luya.

Facebook Comments