Palitan ng piso vs dolyar, nagsara na sa P57; patuloy na paghina ng piso, posibleng makaapekto sa inflation

Lalo pang sumadsad ang halaga ng piso kontra dolyar.

Ito ay makaraang magsara na sa P57 ang palitan ng piso kontra dolyar ngayong araw, ayon sa Bank Association of the Philippines, na pinakamababa sa kasaysayan.

Samantala, ayon sa Philippine Statistics Authority, posibleng makaapekto sa antas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin o serbisyo sa bansa ang patuloy na paghina ng piso.


Sabi ni PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, may mga commodity kasi na dolyar ang ipinambibili ng Pilipinas gaya ng petrolyo na posibleng magpataas sa presyo nito.

“Of course kapag mataas ang dollar, may fuel tayo, so binibili natin yun in terms of US dollar so magkakaroon ng impact yun sa ating pump price dito. ‘Yun siguro, tinitingnan din yun ng ating mga opisyal sa Bangko Sentral ng Pilipinas. So, weekly ang aming data collection dito sa pump prices,” ani Mapa.

Samantala, una nang iniulat ng PSA ang bahagyang pagbagal ng inflation rate sa bansa nitong Agosto sa 6.3% bunsod ng mas mabagal na paggalaw ng presyo ng transport at ng food and non-alcoholic beverages.

Sa kabila nito, tumaas ang inflation rate sa ilang commodity group gaya ng education services, housing, water, electricity, gas and other fuels, rental, at mga pagkaing binibili sa mga restaurant, café at karenderya.

Kaya ayon kay Mapa, posibleng bumilis muli ang inflation sakaling aprubahan ngayong Setyembre ang mga hirit na taas-pasahe.

“Marami kaming nakikitang commodity items, commodity group na tumaas although, sabi ko nga, nag-contribute yung transport saka yung main food items,” saad ng opisyal.

“Now, kung tataas naman yung transport uli, so posibleng mag-shift yung ating direction. So we are again mindful of the data that we will be collecting this September. For example there are news about raising jeepney fares so that would also contribute to this month’s inflation,” dagdag niya.

Facebook Comments