Palompon Mayor at misis nito, pinakakasuhan ng isang kongresista

Hiniling ni Leyte Rep. Richard Gomez sa House Committee on Natural Resources na irekomenda sa Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kay Palompon Mayor Ramon Oñate at kanyang misis dahil sa umano’y paglabag sa Forestry Act and Environmental Management Law.

Ayon kay Gomez, ang mag-asawang Oñate at iba pang empleyado ng Regional Office of the Department of Environment and Natural Resources ay may kinalaman sa malawakang polusyon sa tubig, lupa at hangin sa munisipalidad ng Palompon at Albuera sa ika-apat na distrito ng Leyte.

Bukod dito ay nanawagan si Gomez na kanselahin ang Environmental Compliance Certificate ng DBSN Farms Agriventures Corporation kung saan si Mayor Oñate umano ang presidente at chief executive officer.


Ayon kay Gomez, ang kompanya ay nagpapatakbo ng isang 55,000 capacity chicken dressing plant sa Albuera at breeder farm sa Palompon na may kapasidad para sa 88,000 chicken heads.

Tinukoy ni Gomez na lumabas sa pag-aaral ng Department of Biological Sciences of the University of Santo Tomas’ College of Science na nagdudulot ng polusyon sa tubig ng Ormoc Bay ang solid wastes mula sa DBSN dressing plant.

Dagdag pa ni Gomez, ang nakokolektang solid wastes mula sa naturang planta ay itinatapon din umano sa lupain sa Barangay San Joaquin na sakop ng Palompon Watershed and Forest Reserve.

Bukod dito ay hinikayat din ni Gomez ang management ng Landbank of the Philippines na kanselahin ang mga loan nina Ramon at Lourdes Oñate at kasuhan sila at ang DBSN Farm ng estafa dahil sa panlilinlang.

Facebook Comments