Muling ikinadismaya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mahinang serbisyo ng telecommunication companies.
Sa kaniyang public address, nakiusap si Pangulong Duterte sa mga telco na ayusin ang kanilang serbisyo lalo na at naghahanda ang bansa sa pagbubukas ng klase sa susunod na buwan.
Iginiit ni Pangulong Duterte na nakadepende ang mga estudyante sa gadgets lalo na at ipatutupad ang alternative learning ngayong pandemya.
Dagdag pa ng Pangulo, matagal nang nagrereklamo ang mga Pilipino dahil hindi sulit ang ibinabayad nila sa serbisyo ng mga telco.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Pangulong Duterte sa mga local government officials na huwag pahirapan ang mga telco sa pagtatayo ng towers at iba pang pasilidad na makatutulong na mapalakas ang connectivity sa bansa.
Puna ng Pangulo na maraming operasyon at proyekto ng mga telco ang nauudlot dahil maraming hinihinging requirements sa local level.
Dahil dito, balak ni Pangulong Duterte na makipag-usap sa ilang concerned parties hinggil dito sa mga susunod na araw.
Matatandaang sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo, nagbabala si Pangulong Duterte na ipasasara ang mga telco at ibebenta ang mga ito kung hindi pa rin umayos ang kanilang serbisyo pagdating ng Disyembre.