Manila, Philippines – Ikinabahala ng Department of Labor and Employment na mayroon pa ring mga OFW sa Saudi Arabia ang ipinagkikibit balikat lamang ang ginawa nilang anunsyo noon pang mga nakaraang buwan para gamitin ang amnestiya na iniaalok ng Saudi Arabia para sa mga undocumented migrants doon.
Ayon kay Labor Undersecretary Dominador Say, hanggang bukas na lamang ang ibinigay na palugit ng Saudi Government para sa mga stranded at undocumented migrant workers bago simulan ng Saudi ang pagpapataw ng parusa sa mga undocumented foreign nationals sa kanilang bansa sa pagtatapos nitong buwan ng Hunyo.
Ayon kay Say, sa pinakahuling ulat na natanggap ng DOLE, mayroon pa ring mga OFW sa Saudi ang hindi pa rin nakapagparehistro, habang ang iba naman ay talagang ipinagsawalang bahala ang una na nilang naging anunsyo, ito’y sa kabila ng gagawing pagtulong ng Embahada ng Pilipinas sa mga OFW upang iproseso ang kanilang mga papeles.
Ayon kay Say, sa oras na matapos na ang ibinigay na palugit ng gobyerno ng Saudi, lahat ng mga undocumented foreign nationals, at maging mga dayuhan na nakakuha na ng exit visa ngunit nanatili pa rin sa Saudi bago ang ibinigay na palugit, ay aarestuhin na ng mga awtoridad.