Nakatakdang pag-usapan ng Board of Governors ng Philippine Red Cross (PRC) kung magbibigay sila ng palugit sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kaugnay sa lumulobo na naman nitong bayarin sa COVID-19 testing.
Sa interview ng RMN Manila kay PRC National President at Chairman Sen. Richard Gordon, aminado ito na posibleng muling mapilitan silang suspendihin ang serbisyo sa COVID-19 testing sa mga miyembro ng PhilHealth lalo na’t pumapalo na sa P762.8 million ang hindi pa nababayaran sa kanila ng state insurer.
Giit ni Gordon, kailangan ng PRC ng pera para ma-replenish ang kanilang suplay upang maituloy ang pagbibigay ng COVID-19 testing at iba pang serbisyo.
Oktubre ng nakaraang taon nang isuspende ng PRC ang kanilang COVID-19 tests na chargeable sa PhilHealth, matapos na mabigong magbayad ng kanilang outstanding balance na halos P1 billion.