Ipinagtataka ng malakanyang kung bakit pinatatagal pa ni Vice President Leni Robredo ang paglalabas nito ng sinasabi niyang natuklasan niya sa war on drugs campaign ng pamahalaan.
Ngayong araw ay inanunsyo ni VP Leni na pansamantala muna niyang hindi itutuloy ang paglalabas ng kaniyang mga rekomendasyon hinggil sa war on drugs para umano makatutok ang publiko sa pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng lindol sa Mindanao.
Pero ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mahirap kasi talagang magpanggap na may ilalabas kung talagang wala namang mailalabas ang bise president.
Iginiit ni Panelo na kung talagang may nakita o natuklasan si Robredo sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga, masama man ito o mabuti, ay dapat sa simula pa lamang ay kanya niya itong isiniwalat.
Kinwestyon din ni Panelo ang paiba-ibang pahayag ni VP Leni hinggil dito.
Tinukoy ni Panelo ang unang sinabi ni VP Leni na maglalabas ito ng kanyang mga natuklasan sa war on drugs campaign.
Subalit makalipas ang ng ilang linggo, binago nito ang pahayag at sinabing rekomendasyon na lamang ang kanyang ibibigay.