Magsasagawa ang National Economic and Development Authority (NEDA) ng reporma sa susunod na taon upang alamin ang lagay ng implementasyon ng mga plano at programa ng ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at matuto sa mga leksyon mula sa unang tatlong taon ng administrasyon.
Aminado kasi ang NEDA na may mga problema sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 ng Administrasyong Marcos.
Sa Malacañang Insider, tinukoy ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan na kabilang sa mga nakitang isyu ay ang pagkakamit ng single-digit level poverty rate, pagbibigay ng mga dekalidad na trabaho sa mga ordinaryong Pilipino, at inklusibong paglago na dapat maramdaman hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga rehiyon at liblib na lugar sa bansa.
Dapat din daw na tutukan ang imprastraktura at connectivity na magtutulak sa pag-unlad ng bansa.
Giit ni Balisacan, dapat itong ayusin upang maisakatuparan ang development goals hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Marcos.