Pamahalaan at mga LGU, oobligahin na bumili ng mga produkto sa mga magsasaka at local producers na apektado ng COVID-19 pandemic

Oobligahin ang pamahalaan at Local Government Units (LGUs) na bumili ng mga produkto mula sa mga magsasaka at mga local producer na lubhang pinalubog ng epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa House Resolution 10512 na inihain ni Appropriations Chairman Eric Yap, nakasaad dito na gagamitin para sa Social Amelioration Policies tulad ng “relief at school feeding programs” ang mga mabibiling ani mula sa mga magsasaka.

Ang mga LGU naman ay ipinapanukalang bilhin ang mga produkto sa mga magsasaka sa kanilang lugar bago sa ibang probinsya upang makabawas naman sa mahal na singil sa pagbyahe ng mga produkto.


Tinukoy ng may-akda ng panukala na sa panahon ng pandemya, mismong ang mga magsasaka ay nagkusa na ibaba ang presyo ng mga ani at ang iba ay namahagi pa ng mga produkto para makatulong sa mga pamilyang apektado ng pandemya.

Dahil sa mga sakripisyo ng mga magsasaka ay marapat lamang na unahing tulungan ang mga itinuturing na “first responders” para sa kinakailangang pagkain sa bansa bago tangkilikin ang mga imported na produkto.

Facebook Comments