Pamahalaan, bigo pa ring mapalaya ang 17 Pinoy seafarers na hostage ng Houthi Rebels sa Yemen

Bigo pa rin ang pamahalaan sa ginagawa nitong hakbang upang mapalaya ang labing pitong Pinoy seafarers na hostage ngayon ng Houthi Rebels sa Yemen.

Nobyembre noong nakaraang taon ng atakihin ng Houthi ang Israeli cargo ship na Galaxy Leader sa Red Sea kung saan kabilang ang labing pitong Pinoy sa mga tripulanteng hinostage.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Department of Migrant Workers OIC Hans Leo Cacdac, katuwang ang Department of Foreign Affairs at deligado ng ibang bansa, patuloy ang negosasyon ng gobyerno upang mapalaya ang mga Pinoy seafarers na ngayon ay hawak ng mga rebelde sa Hodeidah.


Nabatid na matigas ang paninindigan ng Houthi na kailangan munang matuldakan ang giyera sa Gaza bago nila pakawalan ang kanilang bihag.

Ang Houthi Rebels ay kakampi ng grupong Hamas sa Iran na syang nakikipag-giyera naman ngayon sa Israel sa Gaza Strip.

Samantala, hindi pa narerekober hanggang sa ngayon ang mga labi ng dalawang tripulanteng Pinoy na nasawi naman sa naging pag-atake pa rin ng Houthi sa isang carrier vessel na MV True Conficence sa Gulf of Aden.

Kahapon ay pormal nang ipinagbawal pansamantala ng DMW ang paglalayag ng mga Pinoy seafarers sa Red Sea at Gulf of Aden dahil sa sunod-sunod na pagdukot at pagsalakay ng mga Houthi Rebel sa mga barko ng Israel matapos ang pagsiklab ng giyera sa pagitan ng Israel at Iran.

Facebook Comments