
Bukas ang pamahalaan sa anumang hakbang na makatutulong upang mailabas ang katotohanan sa isyu ng umano’y maanomalyang flood control projects, kabilang ang planong pakikipag-ugnayan ni dating kongresistang Zaldy Co sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang Ombudsman ang may kapangyarihang magpasya kung matutuloy ang anumang pag-uusap at kung paano ito isasagawa.
Nauna nang iniulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagpahayag umano si Co ng kagustuhang makipag-usap sa Ombudsman, na handa namang magbigay ng proteksyon kung makakatulong ang kanyang mga pahayag sa patuloy na imbestigasyon.
Gayunman, nilinaw ng Palasyo na wala silang natatanggap na impormasyon na nais makipag-usap ni Co sa Pangulo o sa administrasyon, maliban sa pakikipag-ugnayan nito sa Office of the Ombudsman.










