Nakikitang epektibong paraan ng isang eksperto upang matuldukan ang vaccine hesitancy sa BARMM ay ang palagiang pakikipagdayalogo ng pamahalaan sa kanilang Local Government Unit (LGU) at mga residente.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni National Adverse Events Following Immunization Committee (NAEFIC) Chair Dr. Lulu Bravo na marami kasing kumakalat na fake news at disinformation sa social media.
Ayon kay Dra. Bravo, dapat ipaintindi sa ating mga kapatid na muslim ang disadvantages at advantages na makukuha kapag nagpaturok ng bakuna kontra COVID-19.
Mahalaga ding ipabatid sa mga kapatid nating Muslim na ang mga bakunang ginagamit sa bansa ay Halal certified.
Pangamba kasi ni Dr. Bravo na kapag tuluyang nakapasok sa bansa ang Omicron XE at mababa ang vaccination coverage sa BARMM ay baka ma overwhelm o mapuno ang mga pagamutan doon.
Hangad din nitong matulad ang BARMM sa Indonesia at Malaysia na Muslim countries pero mataas o nasa 75% – 85% ang kanilang vaccination coverage.