Iginiit ng Malacañang na ginawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan para itaguyod ang arbitral ruling sa West Philippines Sea (WPS).
Kasabay ng ikalimang anibersaryo ng pagkakapanalo ng Pilipinas sa International Arbitration Court, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na iniakyat na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang arbitral award sa United Nations General Assembly, at iginiit na bahagi na ito ng international law.
Binigyang diin ni Roque na walang enforcement mechanism ang magpapatupad ng nasabing arbitral award.
“Dahil wala pong pulis na magpapatupad niyan, ginawa na po ng gobyerno ang lahat ng hakbang para nga po magkaroon ng buhay iyang desisyon na iyan kasama na po iyong pagtatalumpati ng Presidente sa ating UN General Assembly na sinabi niya na kabahagi na po ng international law ang arbitral decision na iyan,” sabi ni Roque.
Noong 2016, ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague ay naglabas ng desisyon na nagbabasura sa historic rights ng China sa South China Sea.