Maaaring pahintulutan ng pamahalaan ang mga menor de edad na makapasok sa shopping malls basta may kasamang mga magulang.
Ito ang inanunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kasabay ng plano ng pamahalaan na luwagan ang edad ng mga taong pwedeng lumabas ng kanilang mga bahay.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, ang mga Local Government Units (LGUs) ay inaasahang maglalabas ng kaukulang ordinansa hinggil dito lalo na sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Mahalagang nasusunod ang COVID-19 safety protocols lalo na ang pag-iwas sa mga malalaking pagtitipon.
Muli ring iginiit ni Año na wala dapat isasagawang Christmas party at caroling.
Aniya ang traditional family reunions ay ikinokonsiderang malalaking gatherings.
Sa ilalim ng kasalukuyang guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF), ang mga may edad na mababa sa 15-taong gulang at mataas sa 65-taong gulang, maging ang mga mayroong mahihinang resistensya, may karamdaman, buntis ay kinakailangang manatili sa kanilang mga bahay sa lahat ng oras, maliban na lamang kung mag-a-avail ng essential goods at services.
Sakop nito ang mga lugar na nasa ilalim ng GCQ at Modified GCQ.