Pamahalaan, hinahanapan ng ilang kongresista ng full report sa pag-aaral sa Sinovac vaccines

Hinamon ng ilang kongresista na ilabas ang full report sa ginawang pag-aaral ng gobyerno sa Sinovac COVID-19 vaccine ng China.

Katuwiran dito ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, dapat maging malinaw sa publiko kung bakit kailangang bumili ng mahal na bakuna na nangangalahati lang ang pagiging epektibo kumpara sa ibang bakuna na mas epektibo at mas mura.

Kinukwestyon din ng ilang militanteng kongresista kung bakit itutuloy pa rin ng gobyerno ang pagbili ng Sinovac kahit pa mababa ang efficacy rate nito kumpara sa iba.


Para kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, pasang-awa ang 50% efficacy rate ng Sinovac COVID-19 vaccine.

Makakabili naman aniya ang gobyerno ng mas mabisang bakuna sa mas mura pang halaga samantalang ang Sinovac ay pangalawa sa pinakamahal.

Umaasa ang mga mambabatas na hindi sana totoo ang alegasyong “kickback” sa pagbili ng bakuna kaya naman dapat anilang mailatag ng Inter-Agency Task Force ang vaccination plan.

Facebook Comments