Hinamon ni Magdalo Partylist Representative Manuel Cabochan ang pamahalaan na harapin ang posibleng imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa “war on drugs” ng Administrasyong Duterte.
Ito’y kasunod na rin ng paghingi ng ICC ng pahintulot sa The Hague tribunal na magsagawa ng full-investigation sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra-ilegal na droga na ikinasawi ng libu-libong katao kung saan pati mga inosente ay nadamay.
Giit ni Cabochan sa administrasyon, “kung walang ginawang mali, hindi dapat hadlangan ang imbestigasyon,” na aniya’y paboritong linya umano ng gobyerno.
Iginiit ng kongresista na makipagtulungan pa rin ang pamahalaan ng Pilipinas sa oras na mag-umpisa ang pagsisiyasat at huwag sanang umiwas sa imbestigasyon.
“I hope that our institutions are strong enough to fulfill their mandates and cooperate with the ICC once the investigation starts. Nais ko lang ding ibalik sa administrasyong Duterte ang paborito nilang linya: kung tingin nila wala silang ginawang mali, hindi dapat hadlangan ang imbestigasyon,” ani Cabochan.
Magkagayunman, nauna nang inihayag ng Malacañang na hindi makikipagtulungan si Pangulong Duterte sa ICC probe.
“This is another step closer to achieving justice for the thousands of Filipinos slain in the war on drugs and their families,” idinagdag ni Cabochan.
Naniniwala si Cabochan na ito ay isang hakbang tungo sa pagkamit ng hustisya para sa libo-libong mga Pilipino na nasawi sa war on drugs at kanilang pamilya na naiwang nagdurusa.