Nanindigan ang Malacañang na hindi atras-abante ang pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Ito ang depensa ng Palasyo matapos bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan ang mga edad 10 hanggang 14 na lumabas ng kanilang mga bahay.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nag-aalala lamang ang Pangulo sa kalusugan ng mga kabataan ngayong banta na rin ang bagong variant ng COVID-19.
Dagdag pa ni Roque, binuo ang IATF para alalayan ang Pangulo sa pagtugon sa pandemya.
Ang IATF aniya ay walang legislative foundation maliban sa executive power.
Ito pa lamang ang ikalawang pagkakataon na hindi inaprubahan ng Pangulo ang rekomendasyon ng IATF.
Iginiit din ni Roque na si Pangulong Duterte ang may pinal na desisyon hinggil sa mga rekomendasyon ng IATF.
Tiwala ang Palasyo na matatapos na ang pandemya dahil sa pagdating ng mga bakuna.