Mariing itinanggi ng Malacañang na ginagamit ang late COVID-19 data sa paglaban ng bansa sa pandemya.
Ito ang tugon ng Palasyo sa komento ng nagbitiw na National Task Force Against COVID-19 Special Adviser na si Dr. Anthony Leachon.
Sinabi ni Leachon na ang report ng Department of Health (DOH) Region 7 ay hindi tugma sa ulat ng ilang pribadong ospital sa Cebu City na ibinalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi itinatago kung late ang datos kaya mayroong classification ng “late” at “fresh” cases.
Iginiit ni Roque na repository ang information ng DOH kung saan nanggagaling ang mga datos sa mga ospital, lokal na pamahalaan, regional offices at laboratory.
Sa ngayon, pinamamadali na ang proseso gamit ang COVID-KAYA application para sa automated na pagpasok at pagberipika ng mga datos.