Pamahalaan, hindi kokonsintehin ang vaccine hopping

Hindi kukunsintihin ng gobyerno ang vaccine hopping o iyong napapaulat na pagtungo sa magkakaibang Local Government Units (LGUs) ng mga magpapabakuna upang makatanggap ng higit sa dalawang shot ng COVID-19 vaccine kahit na fully vaccinated na ang mga ito gamit ang iba’t ibang brands ng bakuna.

Matatandaan na noong nakaraang linggo, dalawang indibidwal ang sinampahan ng reklamo ng Quezon City LGU dahil sa pagtanggap ng mga ito ng Moderna at Pfizer bilang booster shots sa kanilang lungsod kahit una nang nabakunahan ang mga ito ng Sinovac vaccine.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, lahat naman ng COVID-19 vaccine na ginagamit sa bansa ay nakapagbibigay proteksyon laban sa virus.


Aniya, marami pang mga Pilipino ang hindi pa nakakatanggap ng kahit isang dose ng bakuna.

Kaya’t marapat lamang na hintayin na munang makapagpabakuna ang mas maraming Pilipino bago ikonsidera ang pagkuha ng booster shot.

Matatandaan na una na ring sinabi ng National Task Force (NTF) na illegal at immoral ang pagsadya ng ilang indibidwal sa magkakaibang LGU upang makapagpaturok ng magkakaibang brand ng bakuna lalo’t marami pang mga liblib na lugar sa bansa ang hindi pa nakakatanggap ng inisyal na supply ng COVID-19 vaccine.

Facebook Comments