Pamahalaan, hindi magpapaka-kampante kahit mababa na ang inflation rate

Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na hindi hihinto ang Pamahalaan sa paghahanap ng mga paraan para mapagaan ang buhay ng mga Pilipino.

Ito ang sinabi ng Malacañang matapos lumabas na umaabot na  lamang sa 3.3% ang inflation rate sa bansa na pinakamababang naitalang inflation rate mula noong Enero ng nakaraang taon.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Sec. Salvador Panelo, nakikita na ang epekto ng mga ginawang hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte para mapababa ang inflation rate sa bansa.


Sinabi pa ni Panelo na ang paglagda ni Pangulong Duterte sa Republic Act number 11203 o ang Rice Tariffication Law ay lalo pang magpapababa ng inflation rate kung saan base sa tala ng economic managers ay aabot sa 0.7%.

Binigyan diin ni Panelo na hindi magpapaka-kampante ang Pamahalaan at magiging mapagmatiyag sa presyuhan ng mga bilihin na posibleng dulot ng El Niño na makakaapekto sa produksyon ng pagkain.

Umapela din naman si Panelo sa publiko na makipagtulungan sa pamahalaan sa pagtitipid ng tubig hindi lamang para sa agrikultura kundi pati na rin sa mga pang araw-araw na gamit nito upang maibsan ang negatibong epekto ng El Niño.

Facebook Comments