Ikinalugod ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga isinasagawang COVID-19 vaccine procurement kahit sa labas ng national government.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, iginiit ni Pangulong Duterte na hindi pinipilit ng gobyerno ang sinuman na sumali sa kanilang vaccination efforts.
Aniya, hindi siya mangingialam sa vaccine acquisition ng Local Government Units (LGUs) at maging ng pribadong sektor.
Sinabi ni Pangulong Duterte na maraming LGUs ang gumagawa ng sariling hakbang para makabili ng supply ng bakuna para sa kanilang constituents at malaya naman nilang gawin ito.
Hindi rin panghihimasukan ng gobyerno ang mga LGU sa kung anong bakuna ang nais nilang bilhin o kunin pero mayroong mga batas na kailangang sundin.
Giit pa ng Pangulo, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang huling makatatanggap ng vaccine supply lalo na at unang nakakakuha ng supply ang mga mayayamang bansa.
Sa ngayon, ang national government ang nangunguna sa pagbili ng bakuna mula sa mga supplier sa ibang bansa, habang ang mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor ay nakakakuha ng vaccine supply sa ilalim ng tripartite agreement.