Hindi masabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) kung makakamit pa ang target na maging P20 ang kada kilo ng bigas bago matapos ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito’y matapos na tawaging sinungaling ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Marcos dahil bigo umano itong matupad ang pangako niyang ibababa sa bente pesos ang presyo ng bigas noong eleksyon.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na walang kontrol ang pamahalaan sa paggalaw ng presyo ng mga produkto at maraming nakakaapekto sa paggalaw ng presyo ng mga bagay tulad na lang ng world prices at mga kalamidad.
Makakaapekto rin aniya sa mga presyo ang bumababang halaga ng piso kontra dolyar.
Ayon kay Balisacan, mga panandalian lamang na interventions ang kanilang magagawa pero nakatutok pa rin naman aniya ang pamahalaan sa pagpapababa ng presyo ng bigas na ngayon ay naglalaro sa P50 ang retail price.
Tututukan din aniya ng gobyerno ang pagbibigay ng assistance para sa mga kapos na Pilipino nang sa gayon ay makasabay sila sa tumataas na presyo ng mga bilihin.