Friday, January 16, 2026

Pamahalaan, hindi naaalarma sa palitan ng piso at dolyar

Kampante ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na wala pang pangangailangang magpatupad ng intervention kaugnay ng paghina ng piso laban sa dolyar.

Sa ngayon, umabot na sa ₱59.42 ang palitan ng piso kontra dolyar.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro, mahigpit na binabantayan ng BSP ang galaw ng piso upang agad na makagawa ng angkop na hakbang kung kinakailangan.

Dagdag pa ni Castro, regular ang koordinasyon at pulong ng mga economic managers at ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa sitwasyon ng foreign exchange.

Ilan sa mga salik na nakaapekto sa palitan ng piso ang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Venezuela, ang ispekulasyon kung magbababa ng interest rate ang US Federal Reserve, at ilang lokal na galaw sa ekonomiya.

Nakaapekto rin aniya ang imbestigasyon sa mga flood control project, na batid ng administrasyong Marcos.

Gayunpaman, giit ni Castro, mas pinili pa rin ng Pangulo na isulong ang transparency at paglilinis sa pamahalaan, kahit may pansamantalang epekto ito sa merkado, upang panagutin ang mga umabuso sa pondo ng bayan.

Facebook Comments