Mariing itinanggi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang alegasyon ng Bayan Muna na pinupwersa ng pamahalaan ang mga Local Government Units (LGU) na suportahan ang Anti-Terrorism Bill.
Ayon kay DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, ang pahayag ng Bayan Muna ay insulto sa dignidad, integridad, at intelihensya ng lahat ng local government officials sa bansa na malayang inihayag ang kanilang suporta sa panukalang batas.
Sinabi ni Malaya na nagbubulag-bulagan ang Bayan Muna sa mga hinaing ng mga LGU lalo na sa mga lugar na patuloy na sinisira ng mga terorista tulad ng Marawi, Samar, Bicol Region, CARAGA, at iba pang lugar sa bansa.
Hindi maaaring sabihin ng Bayan Muna na hindi kaya ng mga LGU na magdesisyon ng sarili hinggil sa mga pambansang isyu.
Samantala, aabot sa 784 local chief executives ang naghayag ng suporta sa Anti-Terrorism Bill sa kabila ng malawakang disinformation campaign laban dito.