Nagbabala ang OCTA Research Team na posibleng maharap ang Pilipinas sa COVID-19 surge na gaya ng nangyari sa Indonesia.
Ayon kay Prof. Guido David, halos magkapareho ang bilang ng mga dalawang bansa pagdating sa COVID-19 vaccination nito.
Sa ngayon, sumampa na sa 1.21 ang reproduction number sa NCR mula sa 1.15 na naiulat ng OCTA kahapon.
Sa interview naman ng RMN Manila, sinabi ni OCTA Research fellow Prof. Ranjit Rye na dapat maghigpit na ang pamahalaan habang hindi pa malala ang sitwasyon sa bansa sa harap ng banta ng Delta variant.
“Nakikita na natin na eto na ang indikasyon na meron na tayong early stages of a surge e sugpuin na natin, maging maagap tayo,” ani Rye.
“Hindi naman kailangang isara ang ekonomiya, ang sinasabi namin, sa ngayon, GCQ with heightened restrictions, i-reduce natin yung mobility, i-encourage natin yung mga kababayan natin na maging maingat, sundin natin yung minimum public health standards, kasi marami na hong nagpapabaya at nagkukumpiyansa,” dagdag niya.
Panawagan pa ng grupo sa publiko, magpabakuna na.
Babala kasi ni Rye, ang COVID-19 ay posibleng maging pandemya ng mga taong hindi nagpapabakuna.
“The more people who are vaccinated over the next week or two, the harder it is for the variant like Delta or whatever COVID variant to spread po. Magpabakuna na tayo. At para sa mga bakunado, wag naman tayong parang ‘Superman’ kasi pwede pa rin tayong mahawaan at magdala, kaya ingat pa rin lagi,” paalala pa ni Rye.