Nanindigan ang Malacañang na hindi sila nagkulang sa paghahanda at pagresponde sa pananalasa ng Bagyong Ulysses pero sisikaping pagbutihin pa ito sakaling may tumamang susunod na kalamidad.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, napaghandaan nila ang pagdating ng bagyo sa Cagayan Valley pero hindi inaasahan ng mga local authorities na matindi ang ibinuhos nitong ulan.
Sinabi rin ni Roque na ang climate change, deforestation at illegal mining ay kabilang sa mga dahilan na siyang nagpalala ng pagbaha sa rehiyon.
Binigyang diin ni Roque na kailangang magkaroon ng worldwide effort para mabaligtad ang epekto ng climate change.
Posible aniyang lumubog nang tuluyan sa tubig ang mga isla ng Pilipinas kapag hindi naagapan ang climate change.
Naniniwala rin si Roque na hindi uusad ang kasong isasampa ng local authorities laban sa ilang operator ng dam.
Una nang umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mauunlad na bansa na bawasan ang carbon dioxide emission nila.