Kumpiyansa ang pamahalaan na maisasapinal at mapipirmahan ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa 2028.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. na patuloy ang “exploratory talks” ng gobyerno, matapos ihayag ng pangulo noong nakaraang taon ang planong pagbubukas muli ng peace talks sa CPP-NPA-NDF.
Ayon kay Galvez, bubuo ng framework ang parehong partido bago magkasundo sa isang final peace agreement, pero sa ngayon ay patuloy aniya ang “constituency building” at mga pag-uusap para matuloy ang plano.
Hindi naman aniya nagbabago ang posisyon ng pangulo na maipatupad ang lahat ng kasunduan sa mga komunistang grupo sa loob ng kanyang termino.
Matatandaang ibinasura ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa CPP-NPA-NDF noong 2017.