Pamahalaan, kailangang mag-take over sa palpak na power supplier ng Siquijor —PBBM

Dinipensahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang desisyon ng pamahalaan na bawiin ang permit to operate ng Siquijor Island Power Corporation o SIPCOR.

Sa kanyang pagbisita sa Siquijor, ipinaliwanag ng Pangulo na kinailangang ang gobyerno na mismo ang mangasiwa dahil walang nakitang pagbuti sa serbisyo at suplay ng kuryente ng SIPCOR.

Matatandaan na noong nakaraang buwan, tuluyan nang kinansela ng Energy Regulatory Commission ang operasyon ng SIPCOR dahil sa serye ng paglabag.

Kabilang dito ang kawalan ng valid certificate of compliance ng kanilang generating units, paggamit ng mga hindi otorisadong generator sets, at hindi pagsunod sa power supply agreement, na dahilan ng patuloy na kakulangan ng kuryente sa isla.

Bilang tugon, ipinagkatiwala na ng pamahalaan sa Provincial Electric Cooperative ng Siquijor o PROSIELCO ang operasyon ng suplay ng kuryente.

Samantala, tiniyak ng SIPCOR na gagamit sila ng lahat ng legal na remedyo at nangakong aayusin ang kanilang mga pagkukulang para sa mga residente at stakeholders ng probinsya.

Facebook Comments