Tiwala ang pamahalaan na mas marami pang mga Pilipino ang mababakunahan bago matapos ang taong kasalukuyan.
Ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, umaasa ang gobyerno sa ikalawang round ng National Vaccination Days na magaganap sa Disyembre 15 hanggang 17.
Ani Nograles, kumpiyansa sila na makakamit ang target na 54-M na mga Pilipino ang mababakunahan bago matapos ang taong 2021.
Sa pinakahuling ulat ng DOH, nasa 38.1-M na ang mga fully vaccinated sa buong bansa.
Kasunod nito, muling umaapela si Nograles sa mga hindi pa nagpapabakuna na panahon na upang lumabas at magpaturok ng bakuna dahil lahat naman ng bakuna sa bansa ay napatunayang ligtas at epektibong proteksyon mula sa COVID-19.
Una nang sinabi ng National Task Force Against COVID-19 na hindi problema ang bakuna sa ngayon dahil maraming supply ng COVID-19 vaccines ang bansa.