Aprubado na ang isang ordinansa na nagbabawal mag-inom sa labas ng sariling bahay sa lungsod ng Makati.
Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, ang City Ordinance No. 2020-152 ay hindi lamang para ngayon sa panahon ng pandemya, kung ‘di kasama rin dito kung sakaling magkaroon state of calamity.
Layunin aniya nito ang maiwasan ang paglala ng sitwasyon at hindi maging lalong mapanganib sa gitna ng krisis.
Sa ilalim ng naturang ordinansa, mumultahan ng ₱5,000 ang first-time violators.
Sa ikalawang paglabag, maaaring makulong hanggang isang buwan bukod pa sa multang ₱5,000, sa ikatlo at mga susunod na paglabag, ang multang ₱5,000 ay maaaring may kasamang pagkakakulong ng hanggang isang taon, kung mamarapatin ng korte.
Ang mga umuupa sa hotels, motels, apartments, apartelles, bed and breakfast, transient houses, dormitories at bed spaces ay maaari lamang uminom sa loob mismo ng kwarto o lugar na kanilang inuupahan.
Pahayag pa ng alkalde na magkakabisa ang naturang ordinansa sa July 14, 2020.