Pamahalaan, maglalaan ng P17-B na pondo para sa pagha-hire ng 50,000 contact tracers

Maglalaan ang pamahalaan ng P17 bilyon para sa pagha-hire ng 50,000 contact tracer bilang tugon sa COVID-19 pandemic.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos aminin ng Department of Health (DOH) na kulang ang bansa ng 76,000 contact tracers bunsod ng kawalan ng pondo.

Mayroon lamang 54,000 contact tracers ang bansa, malayo sa ideal ratio na isang contact tracer kada 800 indibidwal.


Pero ayon kay Roque, kinakailangan pa ng batas para maisama sa Bayanihan 2 at magastos ang pondo.

Kaugnay nito, hihiling aniya ang Ehekutibo ng special session sa Kongreso para maaprubahan ito.

Papalitan ng Bayanihan 2 ang Bayanihan to Heal as One Act na layong bigyan ng kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na i-realign ang 2020 national budget para sa pagtugon sa pandemya.

Nabatid na walang pasok ang Kongreso hanggang sa ikatlong Lunes ng Hulyo, ang araw kung kailan magbibigay ng kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ang pangulo.

Facebook Comments