Maglalabas ang pamahalaan ng official report patungkol sa pagbili nito ng medical equipment at supplies para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Ito ay sa gitna ng alegasyong maling paggamit ng pondo ng bayan at overpricing.
Sa televised address, tiniyak ni Pangulong Duterte na wasto ang paggamit ng public funds.
Muli ring ipinagtanggol ni Pangulong Duterte si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa mga kritisismo na nag-uugnay sa kanya sa umano’y maanomalyang transaksyon.
Sinabi pa ni Pangulong Duterte na ang local supplier na sinasabing nag-alok ng murang halaga ng medical equipment ay hindi sumali sa bidding process.
Ang supplier ay nag-alok na ibenta ang produkto sa mataas na halaga sa pamahalaan.
Nais din ng Pangulo na ibasura ang “lowest-bid” rule para sa government procurement ng mga produkto at serbisyo dahil pinag-uugatan lamang ito ng korapsyon.
Hinimok din niya ang mga senador na hintayin ang ilalabas nilang report hinggil dito.
Umaasa siya na paniniwalaan ng mga senador ang isusumiteng report ng pamahalaan.
Matatandaang naghayag ng pagkabahala sina Senator Panfilo “Ping” Lacson at Senate Minority Leader Franklin Drilon sa pagbili ng pamahalaan ng overpriced medical equipment.