Pamahalaan, magpapadala na ng mga tangke sa Cebu sa gitna ng nararanasang krisis sa tubig doon

Magpapadala na ng stationary o static tanks ang pamahalaan sa Cebu City kasunod ng nararanasang krisis sa tubig doon dahil sa epekto ng El Niño at pagpasok ng tag-init.

Ayon kay Task Force El Niño Spokesperson at PCO Asec. Joey Villarama, ito ang nakikitang agarang solusyon ng gobyerno habang pinag-aaralan pa ng national government at Local Government Unit (LGU) ang long term solution na tutugon sa pangangailangan sa tubig ng mga kabahayan sa mga apektadong lugar.

Matatandaang nagdeklara na ng water crisis ang Cebu City, dahil sa patuloy na pagtaas ng heat index na nararanasan sa bansa.


Sinabi ni Villarama, tuwing nagkakaroon ng water problem ang isang lugar, dito na papasok ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD), para sa pagbababa ng rasyon ng tubig sa mga kabahayan.

Samantala, hinihikayat naman ni Villarama ang publiko na minsanan na lamang ang pag-flush ng inodoro lalo na kung iihi lang naman at hindi masyadong masangsang ang amoy.

Mas mainam din aniya kung gagamit ng tabo sa pagbuhos ng dumi, at pagligo sa halip na gumamit ng bidet at shower para makontrol ang dami ng nagagamit na tubig sa mga kabahayan.

Facebook Comments