Pamahalaan, magpapatuloy ang suporta sa mga sektor na labis na apektado ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin

Tiniyak ng gobyerno na magpapatuloy ang suporta sa mga sektor na labis na apektado ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin, sa pamamagitan ng ayuda gaya ng conditional cash transfer at fuel subsidy.

Ayon kay Office of the Press Secretary OIC Usec. Cheloy Garafil, ito ay bahagi ng malawakang tugon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang na ang mga programa para labanan ang mga hamong dala ng pabago-bagong klima at para mas maparami ang suplay ng pagkain.

Batay sa National Economic and Development Authority (NEDA), naitala sa 7.7 percent ang inflation nitong October 2022.


Bagama’t mas mataas ito ng 0.8 percent noong Setyembre, nasa loob pa rin ito ng target ng gobyerno na 7.1 hanggang 7.9 percent.

Ipinaliwanag ng NEDA na dahil ito sa sitwasyon sa ibayong dagat, kabilang ang pagsipa ng global inflation, patuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, at epekto sa pandaigdigang ekonomiya ng COVID-19 pandemic; at mga krisis na kinakaharap ng bansa gaya ng pinsalang dulot ng magkakasunod na bagyo.

Ayon kay Garafil, sinisiguro ng pangulo ang suporta sa mga magsasaka at buong sektor ng agrikultura para matulungan sila sa pagbangon mula sa nagdaang mga kalamidad, habang prayoridad pa rin ang pagpapatibay sa value chain o lahat ng elementong may kinalaman sa produksyon ng pagkain.

Mamumuhunan din aniya sa makabagong teknolohiya hindi lamang para makamit ang food security, kundi para mas tumaas ang kapasidad ng mga komunidad at negosyo na labanan ang mga bantang dala ng klima na bahagi ng pangmatagalang plano ng pangulo.

Facebook Comments