Hindi ititigil ng pamahalaan ang testing, contact tracing at isolation kahit pa magkaroon na ng bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni Testing Czar Secretary Vince Dizon na kailangang magpatuloy ang pagtukoy kung sino-sino ang may taglay ng COVID-19 para agad silang magamot.
Hindi kasi aniya matitigil ang pagkalat at hawahan ng COVID-19 hangga’t hindi lahat ng nagtataglay nito ay mahahanap, ma-i-isolate at magagamot.
Makatutulong aniya ang bakuna para mapaikli ang matagal nang pagtama ng COVID-19 sa maraming bansa sa mundo.
Dahil dito, binigyang-diin ni Dizon na hindi nangangahulugan na kapag nabakunahan na, hindi na mahahawahan pa ng COVID-19, kung kaya’t kailangan pa rin ang pag-iingat sa pamamagitan ng patuloy na pagsunod sa minimum health protocols.