
Tiniyak ng Malacañang na may sapat pang espasyo ang mga bodega ng National Food Authority (NFA) para sa mga ibibentang palay ng mga magsasaka.
Ito’y kasunod ng paghimok ng Palasyo sa mga magsasaka na ibenta sa NFA ang mga aning palay dahil sa pambabarat ng mga rice traders.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, batay sa pakikipag-usap nila kay NFA Administrator Larry Lacson ay hindi naman puno ang lahat ng kanilang bodega.
Sadyang marami lang aniya ang palay ngayon dahil peak season pero hindi naman tatanggihan ng NFA ang aning palay ng mga magsasaka.
Gayunpaman, kung hindi man daw kakayanin ng kanilang mga bodega ay handang magrenta ang NFA.
Samantala, sinabi naman ni Castro, na may mga nagpalista ng mga magsasaka na nagbenta ng kanilang ani.
Sa Regions 1, 2, at 3, ang bilihan ng fresh palay ng NFA ay ₱19 kada kilo habang ₱18 naman ang kada kilo sa ibang rehiyon, at ₱24 kada kilo ang tuyong palay.