Monday, February 16, 2026

Pamahalaan, makikipagtulungan sa INTERPOL sakaling iparesto ng ICC ang mga tinukoy na kasabwat ni FPRRD sa war on drugs —Malacanang

Makikipagtulungan ang pamahalaan sa INTERPOL sakaling maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court o ICC laban sa mga itinuturong “co-perpetrators” o umano’y kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa war on drugs.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro, maaaring sundan ang naging mekanismo ng pag-aresto sa dating pangulo kung saan dumaan sa INTERPOL ang pagpapatupad ng warrant, sakaling humiling muli ng tulong ang ICC para arestuhin ang mga pinangalanang personalidad.

Kabilang sa tinukoy ng ICC sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, dating hepe ng PNP; Senador Bong Go; dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre; at iba pang matataas na opisyal ng Pambansang Pulisya.

Giit ni Castro, kung ito ay bahagi ng lehitimong proseso ng ICC, hindi ito maaaring pakialaman ng pamahalaan.

Naisampa aniya ang kaso noong 2017 at patuloy itong dumaraan sa itinakdang legal na hakbang.

Gayunman, muling iginiit ng Malacañang na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas matapos umatras ang bansa sa Rome Statute.

Sa kabila nito, nananatiling miyembro ng INTERPOL ang Pilipinas, kaya maaari pa ring magkaroon ng koordinasyon kung kinakailangan.

Facebook Comments