Inihayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na umaabot na sa 22,426 na mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang napauwi sa kani-kanilang mga lalawigan.
Kasunod na rin ito ng ibinigay na isang linggong ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Health (DOH) hinggil sa pagpapauwi ng mga nakatenggang OFWs sa iba’t ibang quarantine facilities na naghihintay na lamang ng resulta ng kanilang Polymerase Chain Reaction (PCR) test.
Ayon kay Roque, ang mga ito ay napauwi ng libre sa pamamagitan ng eroplano, barko at bus.
Kasabay nito, kumpiyansa ang Palasyo na mapapauwi lahat ang mga OFW kasabay ng deadline na ibinigay ni Pangulong Duterte.
Bukas, nakatakdang magtapos ang ultimatum ng Pangulo para sa kabuuang 27,000 OFWs na pababalikin sa kani-kanilang mga lalawigan.
Samantala, inaasahan naman na nasa 43,000 pa na Filipino migrant workers ang darating sa bansa sa darating na buwan ng Hunyo.
Ang mga ito ay pawang mga nawalan ng hanapbuhay sa ibang bansa bunsod ng epekto ng COVID-19 pandemic.