Nilinaw ng Malakanyang na mayroon iba’t-ibang polisiya at hakbang ang gobyerno hinggil sa expanded targeted mass testing bilang paglaban sa COVID-19.
Kasunod ito ng kaliwa at kanang batikos na natanggap ng pamahalaan dahil kawalan umano ng programa ng gobyerno sa mass testing.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, walang kahit saang bansa sa mundo ang mayroong programa at kakayanan na i-COVID-19 test ang lahat ng kanilang mamamayan.
Aniya, mayroong mga plano ang pamahalaan kabilang ang target na 30,000 COVID test kada araw sa katapusan ng Mayo.
Sinabi rin ni Roque na hindi din binabaliwala ng pamahalaan ang nasa pribadong sektor sa pagsasailalim sa mass testing.
Sa katunayan aniya ay naglabas ang Department of Health (DOH) ng back to work guidelines para sa private sectors.
Kabilang sa nakapaloob sa back to work guidelines ay ang mga sumusunod:
- Pagsigurong na-disinfect ang wokspace, at mayroon itong maayos na bentilasyon
- Pagmonitor at pagrekord ng temperature ng mga empleyado, dapat natitignan din kung may mga sintomas ito ng sakit
- Kailangang mag-adopt at magpatupad din ng alternative working arrangements
- Pagpapatupad ng infection control procedures gaya ng pagsusuot ng face masks, hand hygiene, cough etiquette
- Paggawa ng referral network para sa mga empleyadong magkakaroon ng sintomas
- Pag-promote ng physical at mental resilience sa mga empleyado