
Muling binatikos ng lider ng Simbahang Katolika ang pamahalaan kaugnay sa problema sa online gambling sa bansa.
Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, Presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), malaki ang naging parte ng gobyerno kaya lumaganap ang online sugal.
Masakit aniya na mismong government agencies gaya ng Philippine Amusement & Gaming Corporation o PAGCOR ang naging daan para gawing legal ang pagsusugal gamit lamang ang mga smartphone.
Dahil dito, sinabi ng kardinal na hindi na lamang sa mga casino ang naturang bisyo at nakapasok na sa loob ng mga tahanan kung saan mag-access pa ang sinuman 24/7.
Hindi na rin daw ligtas dito kahit ang mga magulang na desperadong kumita ng mas malaki na nauuwi sa pagkatalo daan-daan o libu-libong piso.
Ipinunto pa ni David na ang perang nakukuha ng gobyerno mula sa buwis sa mga ito ay kadalasang ginagamit lang naman para sa politika.
Dahil dito, nanawagan muli siya sa pamahalaan na maghigpit sa online payment systems upang maiwasang maging daan para makapaglaro sa mga gambling platform.









