Pamahalaan may sapat na pondo para sa mass vaccination kontra COVID-19 – Senator Bong Go

 

Tiniyak ni Senator Christopher “Bong” Go, Vice-Chairman ng Senate Committee on Finance na sapat ang pondo ng pamahalaan para sa COVID-19 vaccines.

Ayon sa senador, sa niratipikahang budget para sa 2021, binigyang prayoridad ang COVID-19 crisis, pagbangon ng ekonomiya, at ang priority programs at projects ng Duterte Administration.

Sinabi ni Go na chairman din ng Senate Committee on Health and Demography, sapat din ang inilaang pondo para sa pagbili ng COVID-19 vaccines at para sa iba pang health-related priority items, gaya ng pagpapabuti ng health facilities sa buong bansa.


“Mayroon tayong bagong budget na sapat at angkop sa pangangailangan ng mga Pilipino,” ayon kay Go nang bumisita ito at namahagi ng tulong sa mga residente ng Baliuag, Sta. Maria at Guiguinto, Bulacan.

Una nang sinabi ni Budget Secretary Wendel E. Avisado nna handa ang pamahalaan na gumastos ng P73 billion para mabakunahan ang 60 milyong mga Pinoy.

“Bilang ako ay nasa sa Senado, magtutulungan kami [ni Pangulo Rodrigo Duterte para] humanap ng pondo. Maaaring government-to-government, maaaring loan po sa World Bank o ADB o tripartite [agreement] with business groups. Basta importante, makabili tayo at makarating agad sa normal na pamumuhay ng bawat Pilipino,” dagdag ni Go.

Ayon kay Go suportado niya ang naisin ng pangulo na gawing libre ang bakuna sa mga vulnerable sector gaya ng frontliners, medical workers, teachers at uniformed personnel.

“Alam niyo, dapat hindi ito problema ng taumbayan. Problema ito ng gobyerno, dapat libre ito sa mahihirap so ‘yung pondo ay hahanapan ito ng gobyerno,” ani Go.

Facebook Comments